Orientation of Beneficiaries under the Reintegration Program

November 27, 2020 – Walumpo’t walong (88) dating overseas workers na kasalukuyang naninirahan sa Cotabato City ang dumalo sa “Orientation of Beneficiaries under the Reintegration Program: Hanapbuhay for Bangsamoro Balik Manggagawa.” Ang programang ito ay ipinapatupad ng Bureau of Overseas Workers Welfare (BOWW) ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) sa pangunguna ni MOLE Minister Romeo Sema at designated BOWW Head na si Ms. Farhana Aizah Adam.
Ang orientation ay naganap noong Biyernes, ika-27 ng Nobyembre, 2020 sa Pagana Kutawato Restaurant, Cotabato City. Ang mga Bangsamoro workers ay nabigyan ng kaalaman ukol sa basic entrepreneurial skills, financial literacy at basic bookkeeping. Napag-usapan din ang memorandum of understanding tungkol sa pagpapatayo ng munting negosyo, tulad ng sari-sari stores, mula sa tulong pinansyal na nagkakahalagang P20,000.00, kasali na ang starter kits, para sa bawat manggagawa.
“Ang pokus ng programang ito ay self-employment, kung paano mo matutulungan ang sarili mo at ang pamilya mo. Mahalaga ang pagpaplano at pag-budget upang magkaroon din tayo ng savings mula sa ating pagsisikap, In shaa Allah,” wika ni Minister Sema sa kanyang mensahe para sa mga manggagawa. Dagdag pa niya, ang ating BARMM Chief Minister na si Ahod Balawag Ebrahim, sa kanyang 12-point priority agenda, ay sumusuporta sa mga paraan o programang nagbibigay ng job opportunities para sa Bangsamoro. Pinalakas ng MOLE ang operational structure para matugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa. Bilang isang Member of the Parliament, gumawa din si Minister Sema ng mga batas para sa proteksyon ng ating labor sector at promotion of employment sa Bangsamoro Region.
Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang diin ni OIC Bangsamoro Director General at MOLE Chief of Staff Engr. Dong Anayatin na kahit hindi masyadong malaki ang halaga ng ayuda, tuturuan naman ang mga benepisyaryo kung paano palaguin ang negosyo. “I-momonitor din ng MOLE ang progreso ng inyong mga negosyo,” wika ni Engr. Anayatin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *